Bayanihan, Pinaigting ni Maring
Mahigit 5,000 pamilya na sinalanta ng bagyong Maring ang natulungan ng ABS-CBN Foundation Sagip Kapamilya mula noong Lunes, Agosto 19. Di pa man nakakaahon ang bansa sa pinsalang dulot ng nakaraang bagyo, ang hagupit naman ng bagyong Maring ang kinakaharap ng bansa.
Pinaiigting ng ganitong kalamidad ang bayanihan sa bansa. Maraming Pilipino ang buong pusong naghahatid ng tulong sa mga kababayang nasalanta sa pamamagitan ng Sagip Kapamilya. Bukod sa paghahatid ng donasyon, marami rin ang nagtutungo sa Sagip Kapamilya warehouse upang tumulong sa repacking ng mga relief goods. Kabilang sa nakikiisa sa bayanihan na ito ang mga kapamilya stars na sina Gerald Anderson, Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Paul Salas at ang bagong hirang na Ms. World-Philippines, Megan Young.
Narating ng Sagip Kapamilya Team ang Barangay Banaba sa San Mateo, Rizal kung saan 500 pamilya ang nabigyan ng relief goods. Umabot sa 375 pamilya naman ang naabutan ng tulong sa Baranggay Cuyab sa San Pedro, Laguna, 700 pamilya sa barangay Pooc, Aplaya, Caingin at Ibaba sa Sta. Rosa, Laguna, at barangay Dela Paz sa Binan, Laguna. Sa Cavite naman, 403 pamilya ang natulungan mula sa barangay Niog 2 sa Bacoor at 277 pamilya mula sa barangay Pag-asa sa Imus. Sa Ilocos Sur, 1,500 pamilya ang narating ng Sagip Kapamilya sa barangay Abuor, Bolanos, Dinalawan, Margaay, San Antonio, San Pedro at Quinarayan. Sa barangay North Fairview naman sa Quezon City ay 570 pamilya ang naabutan ng relief goods.

Umabot sa 1,130 katao naman ang nakinabang sa Soup Kitchen na isinagawa Sto. Domingo Parish Evacuation Center sa Quezon City at sa Municipal Hall Evacuation Center sa Kawit, Cavite.
Sa mga gustong tumulong, maaaring ihatid ang inyong in-kind donations sa Sagip Kapamilya Headquarters sa #13 Examiner St., West Triangle, Quezon City.